Tuesday, July 27, 2010

Aking Munting Paa

Maliit pa ako, medyo alam ko na
Na may talent itong mga munting paa
Madalas meron akong Tita na magrerequest na
Idampi sa likod nya itong munti kong mga paa.

Marahil dahil sadyang ako’y maliit na bata
Ito’y nagsisilbing masahe sa kanya.
Ngunit ako’y ninenerbiyos tuwing dadampi na
Mga munti kong paa sa likod nya
Takot ako na baka makasakit munti kong paa.

Ngayon ako’y may kabigatan na
Di ko na pwedeng gamitin munti kong paa,
Di bale meron pa akong dalawa -
Aking mga palad pwedeng ihagod sa likod nya.

Di pa rin ako binibigo ng mga munti kong paa
Kung saan saan ako’y kanya ng nadala
Singapore, Hongkong, Malaysia at Canada
Ito’y ilan lang sa mga natapakan nya.

Alam kong marami pang lugar na kami’y pupunta
Hangang malakas pa mga munti kong paa.
Ako ay aasa na ako’y kanyang madadala
Sa mga lugar na nais ko pang makita.

Salamat sa Diyos ako’y biniyayaan nya ng mga munting paa.

Monday, July 26, 2010

Meron akong Tita


Meron akong Titang sadyang kakaiba
Tila sya ay may dalawang persona
Nung ako ay bata pa sya ay tinuturing na bruha
Pag narinig na ang sasakyan nya,
kami ng pinsan ko ay magtutulug-tulugan na
kahit wala pang ala una.
Ganun kami katakot sa kanya
Sya ay reyna sa pagka strikta!

Habang kumakain , kutsara’t tinidor dapat tahimik ka,
kundi magagalit si Tita
Bawal din magkwento pag puno ang bunganga
Ito para sa akin ay sadyang nakakataranta
Dahil ang hilig ko mula pagkabata ay magkwento na.

Nung ako’y nagdalaga, ang boses ko naman ang pinansin nya
Masyado daw itong masakit sa tenga
Ngunit kahit ganyan sya, maraming mga masayang alaala
Tuwing sa Greenbelt kami ay kanyang dinadala
MacDonald’s at sine sadyang napakasaya …
Pag sinabi nyang alas tres susunduin ka
Ala una pa lang ako ay bihis na!

Naaalala ko pa nga mga gamit na bigay na
Ang pula kong bistida, na paborito kung isuot tuwing ako’y sisimba
Pag bigay ni Tita siguradong mahal sya, kasi sya ay di basta basta.

Napakalaki ng paghanga ko sa kanya
Madalas kong itanong kay Lola bakit ang galing nya?
Sabi ni Lola ang sikreto nya
Binalot ng dyaryo ang ulo nya nung bata.

Maliit pa daw sya ay sadyang magaling na
Kaya nyang gumawa ng sarili nyang programa
Kaya naman di nakakagulat na hinangaan sya ng napili nyang industriya.

Sa aking pagdadalaga, itinuro nya
Na ako ay magaling kahit tingin ko’y di ko kaya
Minsan ako ay hinamon nya
Na magsulat ng kanta para kay Francis Magalona
Sa tulung nya ito ay aking nagawa
Sa radyo narinig sinulat kong kanta.

Nung ako ay nagkolehiyo ang sabi nya,
Mataas ang iyong marka ba’t di mag UP ka
Ang sabi ko sa sarili, bakit bilib sya?

Maraming pagkakataon na ako’y takot pa rin sa kanya
Baka sa pamantayan nya hindi pumasa
Kaya nagsikap ng mabuti, na ipakita sa kanya
Na puhunan nya ay binibigyang halaga.

Sa edad na disesais ako ay nagtrabaho na
Dahil alam kong ito ay kanyang ikasasaya
Tulad ni Lolo na pinagmamayabang pa
na itong aking alaga ay may trabaho na.

Libre naman mangarap kaya tinaasan ko na
Kami ay nagmigrate dito sa Canada
Ngayon ko nalaman ang mahalaga
Merong taong sa iyo’y naniwala.

Ngayong ako ay may pamilya na
Napapangiti sa tuwing naaalala
Mahigpit na pagpapalaki nya
Meron kayang nagawa?
Ano kaya kung ako ay nagpabaya
At di pinanghawakan ang kanyang pagtitiwala
Marahil di ko ngayon tinatamasa
Maginhawang buhay na kasama sya.

Kaya sa kanyang pagtanda, na alam kong matagal pa
Makasisiguro syang sa kanya’y may mag-aalaga.